Saturday, October 13, 2012

Panalangin sa Gabi

Tuwi-tuwina bago ka matulog ay magpasalamat ka sa Diyos sa mga biyaya na ipinagkaloob sa buong maghapon at sa buong buhay mo.

Isang Paghahandog. - Inihahandog ko sa Iyo, O Diyos ko, ang lahat ng aking mga panimdim, wika, gawa at mga tiisin at isanasamong hulugan Mo ako ng Iyong grasya, upang huwag akong magkasala sa Iyo sa gabing ito, at nang ako ay makapaglingkod sa Iyo nang tapat at masunod ka sa lahat ng bagay.

Ama Namin
Aba Ginoong Maria
Luwalhati

O anghel kong tagatanod na pinag-utusan ng Diyos na ako ay tanuran, liwanagan mo ako at ingatan sa gabing ito.

Mahal na Birheng Maria, Birhen magpakailanman, tulungan mo ako na maligtas ang kaluluwa ko. (Ulitin ito at ang Aba Ginoong Maria nang makatatlo.)

Pagpapasalamat. - O Diyos ko, pinasasalamatan kita sa mga biyayang tinanggap ko sa Iyo, lalong-lalo na sa araw na ito. Liwanagan Mo ako nang makita ko ang kasalanang nagawa ko sa araw na ito, at pagkalooban Mo ako ng grasya na makapagsisi nang tapat.

(Magmunimuni kang sandali at dilidilihin mo ang mga kasalanang nagawa mo sa araw na ito.)


Pagsisiyasat ng Budhi sa Araw-Araw

Laban sa Diyos: Mga pagkukulang dahil sa kapabayaan sa iyong mga pagsasanay sa gawaing kabanalan, tikis na pagkaabala sa pagdarasal, pagwawalang bahala, kawalang pag-asa at pagpapabaya, pagmumura, pag-uupasala at mga pagtutungayaw at pagwawalang galang sa ngalan ng Diyos, at iba pa.

Laban sa Kapuwa Tao: Mga bintang, pagkapoot, gusot, pagkainggit, paghihiganti, pagkikipagtalo, pagyayabang, pangliligalig, paninira ng puri at ng mga kalakal ng kapuwa; masamang halimbawa; walang pitagan, kawang-gawa at tapat na pakikisama.

Laban sa iyong Sarili: Kapalaluan at pagmamataas, paghahambog, kabulaanan, pagkatakot sa mga libak ng tao, at mga panimdim, mga hidwang nasa at pangungusap laban sa kalinisan; kayamuan, magalitin, kawalang tiyaga at katamaran sa pagtupad ng mga tungkulin.

Hesus, Maria at Jose, inihahandog ko sa inyo ang puso ko at kaluluwa. Hesus, Maria at Jose, saklolohan ninyo ako sa huling oras ng paghihingalo ko Hesus, Maria at Jose, loobin nawa na maging payapa ang kaluluwa ko sa inyong ampunan.

Alalahanin mo na ang Panginoong Diyos ay nasa iyong harapan at mamahinga. -- (Mag-antanda)



No comments:

Post a Comment