Saturday, October 27, 2012

Dasal ng Paggaling sa Sakit at Pagbabagong Diwa

Ama naming nasa langit, na Siyang naghugis at lumikha ng aking katawan,
kung saan nakahantong, namamahay at nabubuhay ang aking diwa,
ipaalam Ninyo po sa akin, sa ngalan ni HESUS,
na ang kalusugan ng aking katawan ay nasa aking pag-iisip,
na ang kakulangan nito na nakikita ngayon sa aking katawan
ay dahil na rin sa aking maling paghangad,
at maling pagsagawa ng Inyong banal na batas pang sanlibutan.

Ako,_______ (sabihin ang pangalan), ay humihingi ng tawad, mahal na Hesus,
sa aking mga kamalian. Ipinapangako kong magbabalik-loob sa Inyo.
Kung may kakulangan man ang aking katawan nang ako ay ipinanganak,
Ito ay dahil sa katauhan namin at hindi sa kapangyarihan Ninyo.

Ipaalam Ninyo sa akin, sa ngalan ni Hesus,
na ang Inyong kapangyarihang lumikha,
na naghugis ng aking katawan, ay naririto pa rin sa aking kalooban,
sa aking pag-iisip, handang magsilbi sa ano mang oras kailangan.

Ipaalam Ninyo po sa akin na ako, sa kalayaan ng aking isip,
ay may patnubay sa kapangyarihang ito na nasa akin kalooban,
na kaya kong utusang gamutin ang aking katawan,
kung totoo ngang ang aking isip at kalooban ay nakahantong sa Inyo.

Sa ganitong pag-iisip,
TINATAWAGAN KO ANG INYONG KAPANGYARIHANG LUMIKHA
na nasa aking kalooban, O Panginoong Diyos, sa ngalan ni Hesus,
na gamutin at alisin ang lahat ng aking sakit at kakulangan.

ALAM KO AT INAASAHAN KO NA ANG PANIBAGONG BUHAY
AY NAGSISIMULA NANG UMUSBONG SA AKING KALOOBAN,
dahil ang Inyong pagmamahal, habag at biyayang gumagamot
ay nasa bawat bahagi ng aking katawan,
sa bawat selula, hibla, sangkap at hayag,
laoo na sa aking _____________ (sabihin ang mga sakit).

Hantong sa aking paningin at PANANAMPALATAYA SA INYO
DIYOS KONG MAKAPANGYARIHAN, TAGALIKHA AT PANGINOON,
SA NGALAN NI HESUKRISTO, ANAK NG INANG MARIA
sa tulong ni MOTHER IGNACIA DEL ESPIRITU SANTO,
at sa lahat ng Inyong mga Santo
AKO AY GAGALING. Amen, amen, amen.

Tuwing ika-walo ng umaga, maghanap ng isang tahimik na lugar. Ibigay ang kalooban kay Hesus sa ngalan ng Kanyang Mahal na Inang Maria. Taos puso at marahang basahin ang dasal na ito. Ihayag ang pagnanasang gumaling nang lubos. Ito ang iyong sariling dasal na isa't-isa kay Hesus, na lulupig sa inyong mga sakit.
Sister Raquel, RVM, with Jesus

Pagkatapos magdasal, manatiling tahimik nang 15 hanggang 20 minuto at isipin ang pagtanggap ng biyaya ng Panginoon. Kausapin ang Panginoon ng tahimik.

No comments:

Post a Comment