Katamis-tamisang Hesus, sa pagsakop Mo sa sangkatauhan, inibig mong magkatawang tao sa sinapupunan ng Mahal na Birhen. Unang tumulo ang Iyong banal na dugo nang Ikaw ay binyagan sa templo ng Herusalem.
Nang sumapit ang takdang panahon ikaw ay nangaral, nagpakita ng magandang halimbawa ng pag-ibig, nagpagaling sa mga maysakit, nagpabangon ka ng mga patay, at Iyong itinuwid ang mga maling aral sa templo, sa pagtutuwid mong ito, ikaw ay kanilang kinapootan, inalipusta ng mga hudyo, ikaw ay napasakamay nila dahil sa pagtataksil at paghalik ni Hudas, ginapos ka ng lubid at nilapastangan sa harap nila Anas, Pilato, Herodes at Kaypas.
Sa harap nitong mga Hukom ikaw ay niluran, sinaktan, sinampal, inalimura, tinadtad ng sugat ang iyong banal na katawan sa hampas ng suplina, pinutungan ng koronang tinik at tinakpan ang iyong mukha ng isang purpura, bilang pagpapalibhasa ng mga kaaway, nang sila ay nagsawa na ng ganitong mga parusa, ikaw ay dinala sa bundok ng Golgota tulad ng isang korderong walang sala.
Pagkatapos mong pasanin ang mabigat na krus, ikaw ay ibinayubay at ipanagitna sa dalawang magnanakaw, upang palabasin na isa sa kanila. Nang ikaw ay mauhaw dahil sa tindi ng sugat sa katawan, ikaw ay pinainom, ngunit ang ibinigay sa Iyo ay suka na may kahalong apdo. Pagkaraan ng mahabang pagdurusa sa ibabaw ng krus, ikaw ay namatay. At upang matiyak na Ikaw ay isa nang bangkay, inulos ni Longlino ang Iyong tagiliran at doon ay bumukal ang masaganang dugo at tubig, na panghugas sa kasalanan ng sangkatauhan.
Nang dahil sa Iyong mga hirap, kamatayan at pagkabuhay na mag-uli, iligtas mo po ang kaluluwa ni _________________ na namatay.
Papaging dapatin mo po siya sa Iyong walang hanggang kaharian at ibilang sa pulutong ng mga banal, Ikaw na nabubuhay at naghahari ng kasama ng Ama at ng Espiritu Santo sa lahat ng panahon. Siya Nawa.
Maganda kang tunay O Mariang walang kadungis-dungis.
(Magkukrus ng 3 ulit)
+ Aba anak ng Diyos Ama, Aba Ina ng Diyos Anak, Aba Esposa ng Espiritu Santo
+ Aba Simbahang mahal ng Santisima Trinidad
+ Aba Inang kalinis-linisan na ipinaglihi na di nagmana ng salang orihinal.
Sumasampalataya
Sumasampalataya ako sa Diyos Amang Makapangyarihan sa lahat, na Maylikha ng langit at lupa. Sumasampalataya ako kay Jesukristo, iisang Anak ng Diyos, Panginoon nating lahat. Nagkatawang-tao siya lalang ng Espiritu Santo, ipinanganak ni Santa Mariang Birhen. Pinagpakasakit ni Poncio Pilato, ipinako sa krus, namatay, inilibing. Nanaog sa kinaroroonan ng mga yumao; nang ikatlong araw nabuhay na mag-uli. Umakyat sa langit, naluluklok sa kanan ng Diyos Amang Makapangyarihan sa lahat; at doon magmumulang paririto't maghuhukom sa nangabubuhay at nangamatay na tao. Sumasampalataya ako sa Espiritu Santo, sa Banal na Simbahang Katolika, sa kasamahan ng mga Banal; sa kapatawaran ng mga kasa-lanan, sa pagkabuhay na mag-uli ng nangamatay na tao, at sa buhay na walang hanggan. Amen.
Litaniya sa Mahal na Birheng Maria
Namumuno: Sagot:
Panginoon, maawa Ka sa kanya Panginoon, maawa Ka sa kanya
Kristo, maawa Ka sa kanya Kristo, maawa Ka sa kanya
Panginoon, maawa Ka sa kanya Panginoon, maawa Ka sa kanya
Kristo, pakinggan mo siya Kristo, pakinggan mo siya
Kristo, pakapakinggan mo siya Kristo, pakapakinggan mo siya
Diyos Ama sa langit Maawa Ka sa kanya
Diyos Anak na tumubos sa sanlibutan Maawa Ka sa kanya
Diyos Espiritu Santo Maawa Ka sa kanya
Santisima Trinidad tatlong persona sa Iisang Diyos Maawa Ka sa kanya
Santa Maria *Ipanalangin mo siya
Santang Birhen ng mga birhen*
Ina ni Kristo*
Ina ng grasya ng Diyos*
Inang kasakdal-sakdalan*
Inang walang malay sa kahalayan*
Inang di malapitan ng masama*
Inang walang bahid ng kasalanan*
Inang kalinis-linisan*
Inang kaibig-ibig*
Inang kataka-taka*
Ina ng mabuting kahatulan*
Ina ng May Gawa ng Lahat*
Ina na magpag-adya*
Birheng kapaham-pahaman*
Birheng dapat igalang*
Birheng dapat ipagbantog*
Birheng makapangyayari*
Birheng maawain*
Birheng matibay ang loob sa magaling*
Salamin ng katuwiran*
Luklukan ng karunungan*
Simula ng tuwa namin*
Sisidlan ng kabanalan*
Sisidlan ng bunyi at bantog*
Sisdlang bukod na kusang loob na masunurin sa Panginoong Diyos*
Rosang bulaklak na di mapuspos ng bait ng tao ang halaga*
Tore ni David*
Toreng garing*
Bahay na ginto*
Kaban ng tipan*
Pinto ng langit*
Talang maliwanag*
Mapagpagaling sa mga maysakit*
Sakdalan ng mga makasalanan*
Mapang-aliw sa mga nagdadalamhati*
Mapag-ampon sa mga Kristiyano*
Reyna ng mga anghel*
Reyna ng mga propeta*
Reyna ng mga apostol*
Reyna ng mga martir*
Reyna ng mga kompesor*
Reyna ng mga birhen*
Reyna ng lahat ng mga santo*
Reynang ipininaglihi ng walang salang orihinal*
Reynang iniakyat sa langit*
Reyna ng kasantu-santusang rosaryo*
Reyna ng kapayapaan*
Reyna ng mga pamilya*
Namumuno: Kordero ng Diyos na nakawawala ng mga kasalanan ng sanlibutan.
Tugon: Patawarin mo po siya Panginoon.
Namumuno: Kordero ng Diyos na nakawawala ng mga kasalanan ng sandaigdigan.
Tugon: Pakapakinggan mo po siya Panginoon.
Namumuno: Kordero ng Diyos na nakawawala ng mga kasalanan ng santinakpan.
Tugon: Kaawan mo po siya Panginoon.
Namumuno: Ipinanalangin namin siya Panginoon.
Tugon: Nang siya ay maging dapat makinabang sa mga pangako ni Hesukristong Panginoon.
Hesus, Maria, Jose, Hesus na kahanga-hanga, Mariang Ina ng Awa, Jose na mapagpala, kayo na po ang mag-ampon at kumalinga sa alipin ninyong aba ng hindi mapasama sa impyerno.
1 Ama Namin at 1 Aba Ginoong Maria
Namumuno: Pagkalooban mo po siya Panginoon ng pagpapahingang walang hanggan.
Tugon: At liwanagan mo po siya Panginoon ng di magmaliw mong ilaw.
Namumuno: Mapanatag nawa siya sa kapayapaan.
Tugon: Siya Nawa.
Panalangin
Inihahabilin namin sa Iyo, o Panginoon ang kaluluwa ni ____________ na sa pagpanaw niya dito sa lupa, iyo pong ipatawad ang kanyang buhay at alang-alang sa Iyong habag, loobin Mong manatili siya sa Iyong banal na kaharian. Siya Nawa.
O Panginoon naming Hesus, alang-alang sa Iyong kahirapan, kaawaan Mo ang kaluluwa ni ________________ at ang mga kaluluwa sa Purgatoryo.
1 Ama Namin at 1 Aba Ginoong Maria
Namumuno: Pagkalooban mo po siya Panginoon ng pagpapahingang walang hanggan.
Tugon: At liwanagan mo po siya Panginoon ng di magmaliw mong ilaw.
Namumuno: Mapanatag nawa siya sa kapayapaan.
Tugon: Siya Nawa.
Para sa Maybahay at sa Lahat ng Narito
1 Ama Namin, 1 Aba Ginoong Maria at 1 Luwalhati
Mahal na Birhen ito pong aming hain, di man dapat ay tanggapin, ang kaluluwa namin, kaawaan at ampunin, sa kamatayang darating, sa wakas ng buhay namin, sa langit mo po pagpalain. Siya Nawa.
Pagpalain mo po kami't ampunin Diyos na Panginoon namin, igawad mo po sa amin ang Iyong tulong, pagpalain ang aming bahay at kaming lahat na namamahay. Iligtas mo kami sa lakas ng lindol, sa karahasan ng lintik, sa sunog, sa tubig, sa hangin at sa lahat ng makakasama sa amin, alang-alang na po sa katamis-tamisan ngalan ng anak mong si Hesus. Siya Nawa.
Salamat po sa Iyo Panginon naming Diyos, kami'y sinapit mo sa mahal na hapon, sapiting muli sa mahal mong umaga, bigyan ng buhay, lakas, kababaang-loob, pagtitiis, matutong umibig at maglingkod sa Iyo, Panginoon naming Diyos. Siya Nawa.
Aba Po Santa Mariang Reyna, Ina ng awa, ikaw ang kabuhayan at katamisan; aba pinananaligan ka namin. Ikaw ang tinatawag namin, pinapanaw na anak ni Eva. Ikaw rin ang pinagbubuntuhang-hininga namin sa aming pagtangis dini sa lupang bayang kahapis-hapis. Ay aba pintakasi ka namin, ilingon mo sa amin ang mga mata mong maawain, at saka kung matapos yaring pagpanaw sa amin, ipakita mo sa amin ang iyong anak na si Jesus. Santa Maria Ina ng Diyos maawain at maalam at matamis na Birhen.
Namumuno: Ipanalangin mo kami Santang Ina ng Diyos.
Tugon: Nang kami ay maging dapat makinabang sa mga Pangako ni Kristong Panginoon. Siya Nawa.
Namumuno: Ang Pagpapala ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at ng Mahal na Birheng Maria, igawad mo sa amin at amin nawang tamuhin.
Tugon: Siya Nawa.
Namumuno: Kamahal-mahalang puso ni Hesus.
Tugon: Maawa ka sa amin.
Namumuno: Kalinis-linisang puso ni Maria.
Tugon: Ipanalangin mo kami.
Namumuno: San Juan
Tugon: Ipanalangin mo kami.
Namumuno: San Jose
Tugon: Ipanalangin mo kami.
Namumuno: San Lorenzo Ruiz at mga kasama
Tugon: Ipanalangin ninyo kami.
Namumuno: Mga anghel at arkanghel ng Diyos.
Tugon: Tulungan ninyo kami.
Namumuno: Hesus Hari ng Awa!
Tugon: Kami ay nananalig sa iyo.
Namumuno: O krus ni Kristong kabanal-banalan.
Tugon: Iligtas mo kami sa lahat ng kasamaan.
Namumuno: Kalinis-linisang puso ni Maria.
Tugon: Ipanalangin mo kami ngayon at sa oras ng aming kamatayan.
Namumuno: San Pedro Calungsod.
Tugon: Ipanalangin mo kami.
Sa ngalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo. Amen