Sunday, November 4, 2012

Panalangin sa Paluklok Hari

PUSO NI HESUS - (CORAZON SANTO)

Puso ni Hesus maghari Ka
Sa aming diwa't aming kaluluwa
Mga Kristiyano ating purihin
Ang Poon natin ay sambahin
Tulad sa langit tayo'y umawit
Sa Diyos ng awa at pag-ibig (2x)

Puso ni Hesus maghari Ka
Sa aming diwa't aming kaluluwa

ANG LABINDALAWANG PANGAKO NG PUSO NI HESUS
Kay Sta. Margarita Maria ukol sa mga kaluluwang namamanata sa Kanyang Mahal na Puso

1. Pagkakalooban ko ng lahat ng biyayang kailangan ng kanilang kalagayan.
2. Pagkakalooban ko ng kapayapaan ang kanilang mga tahanan.
3. Aaliwin ko sila sa lahat ng kanilang kalumbayan.
4. Ako ay magiging tunay nilang sadlakan sa buhay lalo na sa oras ng kamatayan.
5. Pagpapalain ko ang lahat nilang mga gawain.
6. Ang makasalanan ay makatutuklas sa Aking Puso ng dagat ng walang hanggang awa.
7. Ang mga matatamlay na kaluluwa ay mag-aalab sa pananaumtim.
8. Ang dating maalab ay lalung magniningas sa mataas na kabanalan.
9. Bebendisyunan ko ang lahat ng pook na doon ay natatanghal at dinadakila ang larawan ng  
    Aking Mahal na Puso.
10. Pagkakalooban Ko ng init ng diwa ang mga Sacerdote upang mapalambot ang lalung 
       matigas na puso. 
11. Isusulat ko sa Aking Puso, upang doon ay di na maktkat kailanman, ang lahat ng 
      nagpapalaganap ng debosiyong ito.
12. Ang bawat makinabang sa siyam na unang Biyernes ng buwang sunud-sunod ay 
      pagkakalooban ng makapangyarihang pag-ibig ng Aking Puso ng biyaya upang  
      makapanatili sa grasya ng Diyos hanggang wakas at hindi mamamatay kundi 
      makatanggap muna ng mga sakramento. Ang Aking Mahal na Puso ay magiging tiyak na 
      takbuhan nila sa kanilang huling sandali.


SUMASAMPALATAYA
Sumasampalataya ako sa Diyos Amang makapangyarihan sa lahat, na may gawa ng langit at lupa. Sumasampalataya ako kay Hesukristo, iisang Anak ng Diyos, Panginoon nating lahat. Nagkatawang tao siya lalang ng Espiritu Santo. Ipinanganak ni Santa Mariang Birhen. Pinagpakasakit ni Poncio Pilato, ipinako sa krus, namatay, inilibing. Nanaog sa kinaroroonan ng mga yumao. Nang may ikatlong araw nabuhay na mag-uli. Umakyat sa langit. Naluklok sa kanan ng Diyos Amang makapangyarihan sa lahat. Doon magmumulang paririto at huhukom sa nangabubuhay at nangamamatay na tao. Sumasampalataya naman ako sa Diyos Espiritu Santo, sa banal na Simbahang Katolika, sa kasamahan ng mga banal, sa kapatawaran ng mga  kasalanan, sa pagkabuhay na muli ng nangamatay na tao at sa buhay na walang hanggan. Amen.


PAGHAHANDOD NG ANGKAN SA MAHAL NA PUSO NI HESUS
Oh Kamahal-mahalang Puso ni Hesus, Kayo po ang nagpahayag sa mapalad na si Margarita Marian, na Inyo pong nasa na maghari sa mga angkang Kristiyano. Kaya masdan po ninyo kami ngayon, na natitipon sa Inyong harapan upang ipakilala at ilathala ang Inyong buong kapangyarihan sa amin. Ibig po namin na magbuhat ngayon at magpakailanman ay mamuhay kami ng Inyong buhay. Iniibig din po namin na sa sinapupunan ng aming angkan ay mamulaklak ang kabanalan na sa pamamagitan niya'y ipinangako Ninyo ang kapayapaan sa lupa, gayon din po naman ilayo sa amin ang maka mundong hilig.


Kayo po ang dapat maghari sa aming mga pag-iisip sa pamamagitan ng katapatan ng aming pananampalataya at sa aming mga puso na nangag-alab sa pagsinta lamang sa inyo, at pipilitin naming panatilihing buhay ang ningas na ito sa malimit na pagtanggap ng kamahal-mahalang, "EUCHARISTIA." Marangalin Mo po, Oh Kasantu-santuhang Puso ni Hesus, na panguluhan ang  aming mga pagtitipon, bendisyunan nag aming mga panukala, maging sa kaluluwa o sa katawan, ilayo ang mga ligalig, pakabanalin ang aming mga kasayahan at aliwin sa aming mga dalamhati. Kung mayroon man sa amin na nasa kasawiang palad na magkasala sa Inyo ay ipaalala Mo po sa kanya, Oh Puso ni Hesus, na kayo ay magaling at maawain sa mga makasalanang pagbabalik loob. At pagdating ng oras ng paghihiwa-hiwalay, at nag kamatayan ay dumalaw upang mag-iwan ng dalamhati sa aming tahanan, kaming lahat, yaong mga nagsialis at ang mga naiwan ay aayon sa Inyo pong mga utos na walang hanggan. Isang bagay o isang alaala ang nakaaaliw sa amin at ito ay darating ang isang araw na ang buong angkan namin ay muling magkakapisan-pisan sa langit, at magsisiawit ng Inyo pong kaluwalhatian hanggang sa katapusan. Paging dapatin din ang kalinis-linisang Puso ni Maria, gayon din ng Maluwalhating patriarka San Jose, na iharap at ialay sa Inyo ang paghahandog na ito at ipaalala sa amin sa lahat ng araw ng aming buhay.

Mabuhay ang Puso ni Hesus, Hari nami't Ama.


LITANIYA SA KAMAHAL-MAHALANG PUSO NI HESUS
Panginoon, maawa Ka sa amin
Kristo, maawa Ka sa amin
Panginoon, maawa Ka sa amin
Kristo, pakinggan Mo kami
Kristo, pakapakinggan Mo kami
Diyos Ama sa langit, maawa Ka sa amin
Diyos Anak na tumubos sa sanlibutan, maawa Ka sa amin
Diyos Espiritu Santo, maawa Ka sa amin
Santisima Trinidad, iisang Diyos, maawa Ka sa amin
Puso ni Hesus, Anak ng Amang Walang hanggan sinapupunan, maawa Ka sa amin
Puso ni Hesus, nilalang ng Espiritu Santo sa tiyan ng Inang Birhen
Puso ni Hesus, na nakikipag-isang tunay sa Berbo ng Diyos
Puso ni Hesus, na walang hanggang kamahalan
Puso ni Hesus, tahanang mahal ng Diyos
Puso ni Hesus, luklukan ng kataas-taasan
Puso ni Hesus, bahay ng Diyos at pinto ng langit
Puso ni Hesus, maalab na siga ng pag-ibig
Puso ni Hesus, sisidlan ng katarungan at pag-ibig
Puso ni Hesus, puspos ng kabutihan at pag-ibig
Puso ni Hesus, batis ng langit ng kabanalan
Puso ni Hesus, Karapat-dapat sa lahat ng pagpupuri
Puso ni Hesus, Hari at sakdalan ng lahat ng mga puso
Puso ni Hesus, sisidlan ng dilang kayamanan ng karunungan at pagkaalam
Puso ni Hesus, tahanan ng buong pagka-Diyos
Puso ni Hesus, kinabuhusan ng buong pagkalugod ng Ama
Puso ni Hesus, na sa Iyong kasaganaan ay nabahaginan kaming lahat
Puso ni Hesus, hangarin ng mga bulubunduking walang hanggan
Puso ni Hesus, matiisin at lubhang maawain
Puso ni Hesus, kayamanan ng tanang tumatawag sa Iyo
Puso ni Hesus, bukal na kabuhayan at kabanalan
Puso ni Hesus, kabayaran ng aming mga kasalanan
Puso ni Hesus, tigib ng karuhaginan
Puso ni Hesus, na nasugatan ng dahil sa aming mga kasalanan
Puso ni Hesus, na masunurin hanggang kamatayan
Puso ni Hesus, na pinaglagusan ng sibat
Puso ni Hesus, batis ng tanang kaaliwan
Puso ni Hesus, buhay at pagkabuhay naming mag-uli
Puso ni Hesus, kapayapaan at pakikipagsundo namin
Puso ni Hesus, na inihain ng dahil sa aming mga kasalanan
Puso ni Hesus, kaligtasan ng mga umaasa sa Iyo
Puso ni Hesus, pag-asa ng mga namatay sa Iyong grasya
Puso ni Hesus, ligaya ng mga Santo

Kordero ng Diyos na nakakawala ng mga kasalanan ng sanlibutan, patawarin Mo po kami Panginoon namin. (Maawa Ka sa amin)

Kordero ng Diyos na nakawawala ng mga kasalanan ng Sandaig-digan, pakapakinggan Mo kami Panginoon namin.

Kordero ng Diyos na nakakawawala ng mga kasalanan ng santinakpan, maawa Ka sa amin.

V. Hesus na mababang-loob at maamong Puso

R. Gawin mo po na ang aming mga puso ay matulad sa Puso Mo.

PANALANGIN
Makapangyarihan at walang hanggang Diyos, tunghayan Mo ang Puso ng lubhang iniibig Mong Anak at ang mga pagpupuri at pagbabayad ng kanyang inihahandog sa Iyo, sa ngalan ng mga makasalanan at ng mga naghahangad magkamit  ng Inyong awa, maglubag nawa ang Iyong loob at marapatin Mong ipagkaloob sa aming ang kapatawaran, alang-alang din kay Hesukristong Panginoon namin, kasama ng Espiritu Santo magpasa walang hanggan. Siya Nawa.

1 Ama Namin at 1 Aba Ginoong Maria patungkol sa mga nalalayong kaanib ng angkan.


ARAW-ARAW NA PAGPAPANIBAGONG PAGHAHANDOG NG ANGKAN
Katamis-tamisang Hesus, buong kababaang-loob kaming naninikluhod sa Inyong paaanan, na nagpapanibagong-alay ng aming angkan sa Inyong Dakilang Puso. Kayo po nawa'y maging hari namin magpasawalang hanggan. Sa Inyo, kami ay may buong pagtitiwala. Nawa'y ang Inyong Espiritu ay maghari sa aming mga diwa, hangarin, salita't gawa. Bendisyunan po Ninyo ang aming mga gawain, makibahagi Kayo sa aming mga kaligayahan, mga tiisin at pagpapagal. Ipahintulot po Ninyong lalo namin kayong makilala, ibigin Kayo ng higit at maglingkod sa Inyo nang walang panlalamig.

Sa  pamamagitan ng kalinis-linisang Puso ni Maria, Reyna ng Kapayapaan, itatag po Ninyo ang Inyong kaharian sa aming bansa. Mamayani po Kayo sa aming mga angkan at ariin po Ninyo sila; sa pamamagitan ng pagluklok ng kamahal-mahalang Puso ni Hesus at nawa'y sumapit agad ang panahon, na iisang hikbi ang maririnig mula sa mga tahanan. Nawa'y ang matagumpay na Puso ni Hesus, ay ibigin sa lahat ng dako purihin at luwalhatiin magpakailanman. Karangalan at luwalhati sa mga kamahal-mahalang Puso ni Hesus at Maria.

"Kamahal-mahalang Puso ni Hesus, pangalagaan po Ninyo ang aming mga angkan.

PAGHAHANDOG NG ANGKAN SA KALINIS-LINISANG PUSO NI MARIA

Oh, kalinis-linisang puso ni Maria, Reyna na Puso ni Hesus at Reyna ng aming tahanan, bilang pag-alinsunod sa masidhing nasang ipinahayag mo sa Fatima, inihahandog namin sa iyo ang aming sarili at isinasamo naming ikaw ang maging Reyna ng aming angkan.

Maghari ka sa bawat isa sa amin at ituro mo sa amin kung paanong ang Puso ng iyong Banal na Anak ay maghahari sa ito at sa pamamagitan mo.

Maghari ka sa amin, pinkaiibig naming Ina, nang kami ay maging iyo, sa kasaganaan at karalitaan, sa ligaya't kalumbayan, sa kalusugan at sa karamdaman, sa buhay at kamatayan, O lubhang maawain puso ni Maria, Reyna ng mga Birhen, ingatan mo ang aming puso't diwa, upang huwag dampian ng kahalayan na labis mong ipinagdalamhati sa Fatima. Nais naming maging malinis na katulad mo, nais naming mabayaran ang maraming pagkakasala laban kay Hesus at laban sa Iyo. Nais naming maghari sa aming tahanan, sa mga tahanan ng aming bansa at ng buong digdig, ang kapayapaan ni Kristo, na nasasalig sa katarungan at pag-ibig.

Kaya nga ipinangangako naming tularan ang iyong mga kabanalan, sa pagtataglay ng buhay-kristiyano, na walang pag-aatubili sa sukat masabi ng tao. Binubuo namin sa loob ng pagtanggap ng pakikinabang, sa bawat unang Sabado ng Buwan, at ihahandog namin sa Iyo ang Rosaryo ng aming angkan sa araw-araw lakip ang aming pagpapakasakit, bilang pagbabayad-puri at wagas na pagsisisi.

Sa mga kamahal-mahalang Puso ni Hesus at ni Maria dangal sa luwalhati magpakailanman. Siya Nawa.

ABA PO SANTA MARIANG HARI

Aba po Sana mariang Hari Ina ng Awa. Ikaw ang kabuhaya't katamisan; aba pinananaligan ka namin. Ikaw nga po ang tinatawagan namin, pinapanaw ng taong anak ni Eva. Ikaw rin ang pinagbubuntung-hininga namin ng aking pagtangis dini sa lupang bayang kahapis-hapis. Ay aba pintakasi ka namin, ilingon mo po sa amin ang mata mong maawain, at saka kung matapos yaring pagpanaw sa amin ipakita mo sa amin ang iyong Anak na si Hesus. Santa Maria, Ina ng Diyos maawain at maalam at matamis na Birhen.

V. Ipanalangin mo Kami, Santang Ina ng Diyos.

R. Nang kami ay maging dapat makinabang ng mga pangako ni Hesukristong Panginoon.

Kamahal-mahalang Puso ni Hesus, mapasa amin ang kaharian Mo (5x)
Kalinis-linisang Maria, Ipanalangin mo kami.
San Jose, Ipanalangin mo kami.
Santa Maria Margarita, Ipanalangin mo kami.
San Lorenzo Ruiz at mga kasama, , Ipanalangin ninyo kami.


PAGHAHARI NI KRISTO

Ating ipagbunyi paghahari ni Kristo
Sa bawat isipan at puso ng tao
Kanyang hinihintay ang ating pagbabago 
Upang ating kamtin ang buhay na walang hanggan.

At itinuro Nya ang pagmamahalan
Pag-ibig sa isa't isa'y 
Kanyang inaasahan
Kaya't ating sundin dakilang hangarin
Paghahari ni Kristo ay atin ng purihin.

Ngayon kaming lahat sa iyo'y umaawit
Na mayroong pag-ibig
Salamat sa iyo, salamat o Kristo
Ang diwa Mo'y nasa pamayanang Kristiyano.

Ang paghahari mo sa ami'y naging tanglaw
Sa dating buhay na walang kasing panglaw.
Kaya kaming lahat, ay handang magbago
Makasalanang Kristiyano'y nagbabalik-loob

No comments:

Post a Comment