Wednesday, March 23, 2016

Ang Bato sa Dalampasigan

Maraming bato sa dalampasigan, may iba't ibang hugis at kulay. May magaspang at may makinis, may maliit at may malaki, may magaan at may mabigat.

Tulad ng tao. Iba-iba ang itsura, iba-iba ang pinagmulan, iba-iba ang pagkatao, at iba-iba ang pinagdadaanan. Tulad mo, tulad ko, tulad natin.



Sa pag-alon ng dagat, unti-unting naiipon ang maraming bato sa dalampasigan. Nag-aantay, nag-aabang, na baka sakali, sya ay mapipili, sa kabila ng iba pang tulad nya sa kanyang paligid. 

Parang ako, parang ikaw, patuloy na nag-aantay, patuloy na nag-aabang.



Ilang tao ang dadaan, ilang panahon ang lilipas, ngunit walang nakakapansin, walang nakakamalay. Na sa gitna ng marami ay may isang natatangi. Ngunit sinong makaaalam..

Parang ako, parang ikaw, hindi pa rin nasusumpungan.



Minsan, aanurin ka ng dagat at sa ibang lugar mapapadpad. Minsan mararamdaman mo kung gano ka mag-isa. Pero walang makakapansin, walang makakapuna.

Parang ako, parang ikaw, lumuluha ng tahimik, humihikbi ng walang tinig.



Minsan pakiramdam mo para kang malulunod, sa lungkot ng sakit at pag-iisa. 

Parang ako, parang ikaw, parang tayo.



Patuloy na aalon ang dagat kung panong patuloy na iikot ang mundo. Magpapatuloy ang buhay..



Para sa kin..



Para sa'yo.

No comments:

Post a Comment