Maaring para sa iba ang rosaryo ay isang paulit-ulit na dasal na walang kahulugan. Ngunit para sa akin, ang pagdarasal ng rosaryo ay isang ugnayan at pagbabahagi ng buhay ni Hesus kasama ni Maria.
Naging kagawian ko na ang magrosaryo sa sasakyan pag papasok na ko sa trabaho. Maski nung nag-aaral pa lang ako, dahil halos 2 oras ang byahe ko papuntang kolehiyo, dun ako nagkakaroon ng pagkakataon na makapagrosaryo . Dumating din ako sa puntong kinatamaran ko na ding magdasal nito, hanggang sa kaninang umaga, naramdaman ko ang kagustuhan ulit na magnilay sa pamamagitan ng mga misteryo nito.
Dahil Sabado, ang pagninilayan ko ay ang Misteryo sa Tuwa. Sa gitna ng aking pagdarasal ay may bigla akong napagtanto: sa sandaling ito, ibinabahagi nila sa akin ang mga pangyayari na nagbigay sa kanila ng lubos na kagalakan. Parang silang nagkukwento ng masasayang kaganapan ng kanilang buhay. Naalala ko kung panong ganun din ako sa kanila sa mga pagkakataong sobrang tuwa-tuwa ako sa mga pagkakataong may magandang nangyari sa buhay ko.
Tulad ng tao ang buhay nila ay binuo din Tuwa, Hapis, Liwanag at Luwalhati. Sa pagiging tao ng Diyos, namuhay Sya na katulad natin: tumatawa, nasasaktan, nagagalit, nakikipag-kaibigan, itinatwa, hinangaan, inalipusta. Sa pamamagitan ng pagninilay-nilay natin ng mga misteryo ng Santo Rosaryo, nakikibahagi tayo sa kanilang naging buhay patungo sa kaluwalhatian. Ito ang nagiging tagapag-paalala na ang Diyos ay kaisa din natin sa bawat yugto ng ating buhay.
No comments:
Post a Comment